Wednesday, February 08, 2012

Salamin

Naaaninagan ko sa naka-sungaw na liwanag
Sa iyong mga mata
Na ika'y hapo na...
Marahil, ikaw ang tunay na may sala
Sa pag-hila ng sarili mong gabi
At sa iyong pag-dalangin sa pagbuhos
Ng ulan...


Ramdam ko ang iyong pagtitikis,
ang iyong pagtitiis sa nakabibingi na lamig...
Ninais kong abutin ang iyong mga bisig,
Ngunit tulad mo,
Ang aking mga palad ay namamahinga
Sa basang lupa,
Tulad mo ring nais maka-hagap
ng maligamgam na pag-asa.


Ngunit habang humahawi
Ang itim na kumot ng kalangitan,
Unti-unting sumusungaw
Ang sinag ng liwanag
Na kumislap sa balikat
Nating dalawa...


Tikom ang ating mga labi.
Ngunit sa ating isipan,
Pagugulungin natin
Ang ating mga kapalaran
Nang sabay....

No comments:

Post a Comment